Vendor utas sa sekyu

MANILA, Philippines - Patay ang isang vendor nang barilin ito ng isang guwardya matapos mag-kairingan tungkol sa alagang aso ng una  sa harap ng binabantayang gusali ng huli sa Pasay City, kahapon ng umaga.

Dead-on-arrival nang dalhin sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si Danilo Simeon , 46, may asawa, ng M. Acosta St., ng naturang lungsod. Nagtamo ito ng tama ng bala ng baril sa dibdib .

Samantala, pinaghahanap na ng pulisya ang suspek na si Eduardo D. Villareal, ng Kislap Security Agency at nakatalaga sa   Building 1, panulukan ng M. Acosta St., at F.B. Harrison ng naturang lungsod.

Lumalabas sa report na nakarating sa tanggapan ni Senior Supt. Florencio Ortilla, hepe ng Pasay City Police, naganap ang insidente alas-5:25 ng umaga kung saan nagtitinda ang biktima sa harapan ng binabantayang gusali ng suspek.

Sinabihan umano ni Villareal si Simeon na tanggalin nito sa harapan ang alaga nitong aso dahil nakakaistorbo aniya sa mga kostumer na pumapasok.

Subalit, tumanggi ang biktima na alisin ang alagang aso na dito nagkaroon ng mainitang pagtatalo.

Sinasabing binato nito ng matigas na bagay ang suspek hanggang sa nagpang-abot ang dalawa at dito na kinuha ni Villareal sa kanyang beywang ang service firearm nito at pinaputukan ang biktima.

Matapos naman ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek na si Villareal, nabatid na nasaksihan ng nakababatang kapatid ni Simeon ang buong pangyayari at ito ang nagsalaysay sa mga pulis.

 

Show comments