Karnaper huli sa akto

MANILA, Philippines - Huli ang isang lala­king hinihinalang kilabot na karnaper ng mga motorsiklo makaraang matiyempuhan itong tangkang tangayin ang sasakyan ng isang security guard at magulpi ng mga tambay sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.

Nahaharap ngayon sa kasong attempted carnapping ang suspek na nakilalang si Dennis Saballero, 30, ng Gene­ral Pio Valenzuela Street, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Caloocan Police, dakong alas-5:30 ng hapon nang iparada ng biktimang si Estrilito Fordan, 37, ang kanyang Honda XRM motorcycle sa tapat ng karinderya ng kanyang hipag sa C. Cordero Street sa naturang lungsod. Habang nakaupo sa karinderya, nakita ni Fordan na sumakay sa kanyang motor ang suspek at nagawang mapaandar ang makina.  Agad naman siyang lumabas, nagsisigaw at humingi ng saklolo sa mga residente.

Nagawa namang harangin ng mga nakaistambay sa lugar ang suspek habang sakay ng motorsiklo at mapagtulungang magulpi bago ipinasa ang kustodiya sa mga otoridad.  Nakuha sa posesyon nito ang isang “picklock” na gamit nito sa pagdistrungka sa susian ng mga target na motorsiklo.

 

Show comments