MANILA, Philippines - Winakasan ng isang construction worker ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbigti kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.
Nakalambitin pa ang katawan ni Victor Manalili, 56, residente ng Cuarpo St. San Francisco, San Antonio, Nueva Ecija nang madiskubre dakong alas-6:45 ng umaga sa ikalawang palapag ng kanyang pinagtatrabahuhang gusali sa Morong St., Manuguit, Tondo, Maynila.
Ayon sa pulisya ang kasamahang trabahador na si June Jimenez umano ang nakakitang nakalambitin ang biktima sa ginagawang buÂbungan gamit ang sinturon na itinali sa leeg.
Ayon naman kay Rita Nagano, kapatid ng biktima, maaaring hindi na nakayanan pa ng kaniyang kaÂpatid ang kinakaharap na problema ng kaniyang pamilya kaya nagawa nitong magpatiwakal.
Nabatid na malimit umanong sinasabi ng biktima sa kanyang mga kaanak na magpapakamatay ito kapag hindi niya naresolba ang kaniyang problema sa pamilya.
Samantala, sa Quezon City, isang 15-anyos na dalagita ang nagbigti sa loob ng kanyang kuwarto, iniulat kahapon.
Sa ulat ng pulisya, nakilala ang biktima na si Trisha Marie Dequiña, estudyante at residente sa Area 6, Sitio Cabuyao Road, Brgy. Sauyo sa lungsod.
Ayon kay PO2 Rhic Roldan Pittong, ang biktima ay nadiskubre ng kanyang pinsang si John Lester Dequiña, habang nakabitin gamit ang nylon cord sa kisame ng kuwarto nito na nasa ikalawang palapag ng kanilang bahay, alas-6 ng gabi.
Bago ito, kadarating lamang umano ni John Lester galing sa paaralan at magpapalit sana ng kanyang damit nang bumulaga sa kanya ang nakabigting pinsan.
Bago ang insidente, binalaan umano ng isang tiyuhin ang nasawing pamangkin na huwag makihalubilo sa mga istambay sa kanilang lugar kapag dis-oras ng gabi.
Ang naturang babala ang hiniÂhinalang nakasakit sa damdamin ng biktima kung kaya nagdesisyon na itong tapusin ang kanyang buhay.
Gayunman, patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing insidente.