Mahabang pila ng mga truck sa Roxas Blvd., kinondena

Labis na ikinainis ng maraming motorista ang kalbaryong dinanas kahapon sa mahabang pila ng mga truck sa kahabaan ng Roxas Blvd. na nagdulot ng matinding trapiko, idinagdag pa ang halos sabay-sabay na konstruksyon na isinasagawa ng DPWH sa maraming lansangan sa Maynila. (Kuha ni Ernie Peñaredondo)

MANILA, Philippines - Mariing inireklamo ng mga motorista kahapon  ang matinding trapik sa ilang bahagi ng Roxas Boulevard dahil sa napakahabang pila ng  mga truck na papasok sa Manila International Container Port at North Harbor sa Maynila at  nakadagdag pa ang ginagawang road project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon sa report na natanggap ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA),  alas-10:00 kamakalawa ng gabi nagsimula ang  pila ng mga truck sa kahabaan ng Roxas Boulevard  hanggang sa  umabot  ito sa Gil Puyat Avenue, Pasay City.

Nabatid sa MMDA,  naging sanhi ito ng matinding pagsisikip ng trapiko dahil sa  tagal ng proseso nang pagpasok ng mga truck  sa mga pier at  nakadagdag din ang ginagawang road project  ng DPWH sa inner lanes ng magkabilang panig ng Roxas Boulevard  mula sa Anda Circle hanggang sa paanan ng Del Pan Bridge.

Dahil ang naturang proyekto ay bahagi ng reconstruction at improvement ng Bonifacio Drive at ang pagpapalapad ng bahagi ng Anda Circle, na sinimulan ng MR Vargas Construction noong Enero 20, 2014  at tatagal hanggang Setyembre 16 ng taong kasalukuyan.

Ang naturang proyekto ay nagkakahalaga ng  P70 million at bukod dito may ginagawa ding paghuhukay sa Rizal Park partikular sa harapan ng monumento ni Dr. Jose Rizal.

Show comments