MANILA, Philippines - Dinukot ng mga armadong kalalakihan ang isang Filipino-Chinese trader sa tapat mismo ng pag-aari nitong gusali sa Fortuna St., malapit sa Ramon Magsaysay Boulevard sa Sta. Mesa, Maynila, kahapon ng hapon.
Kinilala ang biktimang si Alberto Chung, 40, may-ari ng Chunis Bldg. May-ari rin umano ng iba pang negosyo sa nasabing lugar ang biktima.
Sa inisyal na ulat, apat hanggang anim na armadong suspek na sakay ng isang Adventure na kulay itim at may plakang TVG-869 ang tumaÂngay sa biktima bago mag-ala 1:00 ng hapon kahapon.
Sanay umanong maglakad ang biktima mula sa bahay nito patungo sa opisina sa pag-aaring gusali. Kahapon ay nakita na lamang ng isang security guard at ilan pang saksi na may nakahintong Adventure at may sakay na kalalakihan, ilan ang bumaba at sapilitang isinakay at dinala ang biktima.
Ilan din umano sa mga kumakain sa karinderyang nasa tapat ng pinangyarihan ang tinutukan pa ng baril.
Patuloy pa sa isinagawang follow-up operation.