Anak na pasaway, patay kay tatay

MANILA, Philippines - Sariling ama na ang pumutol sa patuloy na pa­me­merwisyo ng pasaway na anak na adik at holdaper, nang saksakin niya at ma­patay ito  matapos na sadyaing patirin siya sa kabila ng hirap sa paglalakad dahil sa stroke sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang nasawi na  si Jake Calaycay, 23, residente ng Bldg. 22,  Unit 505,  Permanent Housing, Balut, Tondo, Maynila.

Dinampot ng mga ope­ratiba ng Manila Police District-Homicide Section ang amang suspect na si Onofre Calaycay, 60, na umano’y hirap sa paglalakad, urong ang dila dahil sa stroke dakong alas-3:00 ng madaling-araw kahapon para sa kasong parricide na kakaharapin niya.

Sa ulat ni SPO2 Milbert Balinggan, naganap ang pananaksak sa biktima alas-10:30 ng umaga sa terrace ng kanilang bahay, sa Permament Housing.

Nakahiga umano ang biktima nang dumaan ang ama na hirap sa paglalakad nang patirin ng una ito at bumagsak. Hindi na nakapagpigil sa galit ang ama at sinaksak sa tiyan ang anak na ikinaluwa ng bituka nito.

Nadala sa pagamutan ang biktima matapos isa­ilalim sa operasyon nang  magwala umano ito sa loob ng ospital at tanggalin ang mga nakakabit na dextrose at uminom ng tubig na mahigpit na ipinagbabawal ng doktor, na siyang sanhi ng tuluyan niyang pagkamatay.

Sa naging pahayag ng ina, hindi ito nanghinayang sa nangyari sa anak dahil hindi na umano ito makakapamerwisyo pa, maliban sa pagsisi na dapat ay ibang tao na lamang umano ang nakapatay at hindi ang sa­riling ama.

“Hindi ako nasasaktan, masama lang ang loob ko kasi sa dinami-dami ng tao na dapat na pumatay sa kanya ay ang tatay pa niya na na-stroke at may sakit ang nakadale sa kanya. Mabuti na nga at nawala na siya para wala na siyang maperwisyo. Kung kami nga ng tatay niya ay ganun na lang kung murahin niya at maltratuhin,” ani Aling Lorma, 59, labandera.

“Maayos na siya e, hindi naman dahil sa saksak ng tatay niya kaya siya namatay kundi dahil lumobo ’yung bituka niya dahil uminom siya ng tubig, e pinagbawalan na siya ng doktor na uminom ng tubig,” dagdag pa nito.

Bukod umano sa palagi silang minumurang mag-asawa at sinasaktan ng biktima, ipinapaholdap pa umano nito ang sariling kapatid sa mga kaibigan.

Simula umano ng elementary grade pa ang biktima ay adik na umano ito sa rugby, hanggang sa na­ging solvent boy  at ngayon umano ay  shabu naman ang tinitira nito, ayon sa ina.

Ilang beses na rin uma­nong nakulong dahil sa pang­hoholdap ang anak, kapag hindi mabigyan ng pera ay ibinebenta ang kanilang mga gamit.

Show comments