MANILA, Philippines - Iniimbestigahan ngayon ng pulisya ang pagkamatay ng isang binata na pinagsasaksak ng mga hindi pa nakikilalang salarin nang umuwi sa bahay upang kumuha ng pulutan sa kanilang inuman, kamakalawa ng gabi sa CaÂloocan City.
Hindi na umabot ng buhay sa Jose Reyes Memorial MeÂdical Center dahil sa tinamong mga tama ng saksak ang biktimang si John Castro, 43, ng Tambakol St., ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Caloocan Police, nakikipag-inuman ang bikÂtima sa mga kapitbahay at barkada dakong alas-11:40 ng gabi nang magpaalam na uuwi upang kumuha ng mapupulutan sa kanyang bahay.
Nakarinig na lamang ang mga kainuman at kapitbahay ng sigawan at kalabugan sa bahay ng biktima hanggang sa maaninag na lumabas ang ilang lalaki at nagmamadaling tumakas. Bumungad naman ang katawan ni Castro na naliligo sa sariling dugo nang puntahan ng mga kaanak.
Blangko naman ang puÂlisya sa motibo at pagkakaÂkilanlan ng mga salarin dahil sa walang lumalantad upang maging saksi. Inaalam naman ng pulisya kung sino-sino ang mga nakainuman nito upang maisailalim sa imbestigasyon.