Tarpaulin ng MTPB binaklas ng mga pedicab driver

MANILA, Philippines - Tahasang sinabi ni Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Director Carter Don Logica na hindi sila mapapagod na maglagay muli ng mga paalala o tarpaulin para sa pagbabawal ng mga tricycle at pedicab sa 46 na kalsada sa  Maynila.

Ang pahayag ni Logica ay bunsod na rin ng pagtatanggal at pagbabaklas ng mga pedicab driver ng tarpaulin sa P. Casal, Ayala Bridge at Men­diola kung saan indikasyon umano ng kanilang pagtutol  at galit sa  bagong regulasyon.

Sinabi ni  Logica na  alam naman nila kung sino ang guma­gawa  nito at naniniwala  siya na matitiyempuhan din nila ang mga ito. Aniya, sakaling mahuli ang nagbabaklas ng mga tarpaulin, sasampahan ito ng kasong damage to gov’t property.

“Sumunod muna sila, ma­kikita  nila ang resulta at mai­isip nila na malaking tulong sa  buhay nila”, ani Logica.

Paliwanag ni Logica, mas makabubuti sa lahat ang pro­yektong gawing legal ang pa­mamasada ng mga tricycle dahil mas lalaki pa ang kita ng mga ito araw-araw dahil mali­ligtas ang  mga ito sa pangongotong.

Kapakanan lamang ng mga maliliit na namamasada at Ma­nilenyo­ ang kanilang prayoridad kung kaya nais nilang ma­iparehistro ang mga tricycle at mawala ang  kolorum.

Kamakalawa ay nagsagawa ng  panghuhuli ang MTPB sa kahabaan ng Quezon Blvd. at S.H. Loyola.

Samantala, binibigyan pa ng MTPB ng ilang araw ang mga magpaparehistro ng kanilang tricycle. Kinokonsi­dera din nila ang gastos nga­yong pasukan kung kaya’t nag-extend sila ng  ilan pang  araw.

Nabatid na 24/7 ang MTPB sa mga magpaparehistro upang ma-accommodate lahat. Uma­abot na sa 1,300 ang nairehistrong mga tricycle.

Show comments