Van salpok sa footbridge:2 pahinante patay

Lasog ang dalawang pahinante makaraang sumalpok sa footbridge ang sinasakyan nilang L-300 van kahapon ng madaling-araw sa Quezon City. ( Kuha ni Bernardo Batuigas)

MANILA, Philippines - Dalawa katao ang nasawi makaraang sumalpok ang sinasakyan nilang delivery van sa footbridge ng MMDA sa Edsa-Quezon Ave­nue sa lungsod, sa araw ng tinaguriang Friday the 13th, kahapon.

Sa ulat ni SPO4 Raymundo Layug, hepe ng Quezon City Police Traffic Sector 1, nakilala ang nasawi na sina Bener Bagungol, 30, ng Brgy. Sacred Heart at isang Jess Jurios; kapwa pahinante.

Sugatan naman ang dri­ver ng van na si Eduardo Pa­bonita, 34, ng Brgy. Pinyahan sa lungsod.

Ayon kay PO2 Jordan Junio, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Edsa Southbound Lane, corner Quezon Avenue Brgy. Phil-Am, ganap na alas-4 ng ma­daling-araw.

Sinasabing minamaneho ni Pabonita ang L-300 van (THB-406) sakay ang dalawang pahinante, at pa-u-turn sa Quezon Avenue, galing ng Balintawak, patungo sa España, Manila nang big­lang sumalpok ito sa footbridge ng MMDA.

Sa lakas ng salpok, nawasak ang unahang bahagi ng van, dahilan para maipit ang mga biktima at agad na nasawi.

Samantala, tumagal ng ilang oras bago tuluyang na­tanggal sa pagkakaipit sa driver’s seat si Pabonita, saka isinugod sa East Ave­nue Medical Center para ma­­lapatan ng lunas. 

Gayunman, kakaharapin pa rin ng driver ang kasong reckless imprudence resulting­ in double homicide with phy­sical injuries and damage to property.

Show comments