MANILA, Philippines - Tila hindi na nakapagpigil ang isang lalaki nang saksakin nito ang mister na may utang sa kanya at sinapak naman ang misis nito kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Kapwa ginagamot sa Philippine General Hospital (PGH) sanhi ng saksak sa leeg at katawan ang biktimang si Joey Alvarez, 36, habang nagtamo naman ng sugat at pasa sa mukha ang misis nitong si Mary Grace, 34, kapwa residente Gov. Pascual Ave., Brgy. Catmon ng naturang lungsod. Nakakulong naman sa Malabon City Police detention cell ang suspek na si Marvin Dela Cruz, 25, ng Sanciangco St., Catmon ng nabanggit na barangay.
Batay sa ulat ng Malabon City Police, naganap ang inÂsidente alas-7:00 ng gabi, habang nakikipag-inuman ang biktima sa ilang mga kapitbahay at dumating ang suspek at naniningil sa matagal nang utang ng kanyang misis.
Napahiya sa mga kainuman ang biktima, na naging dahilan upang makipagtalo sa suspek hanggang sa mauwi sa suntukan. Nakabunot ng patalim ang suspek at sinaksak ang biktima at nang umawat ang misis ng huli ay sinapak naman ito ng suspek na naging dahilan upang mawalan ng malay at isinugod ang mga ito sa nabanggit na ospital.
Nadakip naman ng mga rumespondeng mga tanod ang suspek bago dinala sa presinto.