MANILA, Philippines - Patay ang isang bagitong pulis nang barilin ng isa sa dalawang suspek na sakay ng magkahiwalay na motorsiklo kahapon ng madaling araw sa Las Piñas City.
Dead-on-the-spot ang biktimang si PO1 Louie Soledad, nakatalaga sa Muntinlupa City Police at nakatira sa NBP Reservation, Barangay Poblacion, Muntinlupa City sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa kalibre .45 baril.
Nagsasagawa naman ng follow-up operation ang mga pulis sa insidente at inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Ayon sa report na natanggap ni Police Sr. Supt. Adolfo Samala Jr., hepe ng Las Piñas City Police, naganap ang insidente alas-2:40 ng madaling araw sa Alabang-Zapote Road, Bgy. BF Almanza ng naturang lungsod.
Sa pahayag ng mga saksing sina Albert Salvador 30 at Jonel San Pedro, 20, sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima at ang isa sa mga suspek ay sakay din ng motorsiklo.
Bigla umanong dumaÂting ang isa pang suspek na sakay din ng isa pang motorsiklo at dito na nila narinig ang pagmamaka-awa ng biktima, subalit hinablot bigla ng isa sa suspek ang bag ng pulis bago siya pinaputukan ng sunud-sunod.
Mabilis na tumakas ang dalawang suspek sakay ng kani-kanilang motorsiklo nang duguang bumulagta ang bagitong pulis.
Ayon kay Samala, posibleng kilala ng biktima ang mga suspek bagama’t wala pa silang impormasyon kung ano ang motibo sa pamamaslang.
Napag-alaman na daÂting nakatalaga sa Las Piñas City Police Station si Soledad, subalit nagpalipat ito sa Muntinlupa City Police dahil sa naturang lungsod lamang siya naninirahan.
Nakuha ng mga tauhan ng Scene of the Crime OpeÂratives (SOCO) ang siyam na basyo ng bala ng kalibre .45 sa lugar na pinangyarihan ng krimen.