NCRPO isinailalim sa bomb alert

MANILA, Philippines - Isinailalim na rin kahapon sa bomb alert ang mga ope­ratiba ng Explosive Ordnance Division  ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kaugnay ng unang araw ng pagbubukas ng klase sa Metro Manila.

Ayon kay P/Senior Supt. Ariel Arcina, operations chief ng NCRPO, naglatag na rin sila ng kaukulang protocol upang matugunan ang anumang tawag na may ka­ugnayan sa bomb threat sa mga eskuwelahan sa National Capital Region.

Kabilang sa ipinakalat na mga marshall ay magde-determina mula sa caller kung saan nakaposisyon ang mga nakatanim na bomba at hihingi ng responde sa kanilang mga kasamahan mula sa EOD.

Umaabot sa 2,500 pulis ang ipinakalat ng NCRPO sa bisinidad ng mga eskuwelahan sa Metro Manila sa unang araw ng pagbubukas ng klase at magpapatuloy hanggang sa mga susunod na araw upang tiyakin ang kaligtasan ng mga guro at estudyante.

Partikular namang mahigpit na binabantayan ang mga university belt laban sa mga pickpockets, holdaper, snatcher, drug trafficker at iba pang elementong kriminal na posibleng magsamantala sa mga estudyante.

Bukod dito ay tututukan din ng mga pulis  ang mga kaso ng bullying sa bisinidad ng mga eskuwelahan at nagtayo na rin ng mga police assistance desk.

Samantala, habang sinusulat ang balitang ito ay tiniyak naman ng pamunuan ng PNP na naging mapayapa ang pangkalahatang sitwasyon sa unang araw ng pagbubukas ng klase sa Metro Manila.

 

Show comments