Tricycle sa Maynila isinailalim sa color coding

MANILA, Philippines - Bilang bahagi pa rin ng  pagsasaayos ng daloy ng mga pam­publikong sasak­yan sa lungsod ng Maynila, isinailalim na ng Manila City Hall sa color coding ang mga tricycle.

Ayon kay Manila Vice Mayor Isko Moreno, kaila­ngan nilang ipatupad ang color coding sa mga tricycle upang malaman kung sino ang mga kolorum na patuloy na bumibiyahe sa lungsod ng  Maynila.

Nabatid na light blue sa district 1; puti sa district 2; emerald green, district 3; orange, district 4; dilaw, dis­­trict 5;  pula, district 6 habang  kulay gray naman sa mga private tricycle.

Sinabi ni Moreno na ina­tasan niya si Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Director Carter Don Logica upang personal na pamahalaan ang registration ng mga tricycle upang matiyak na walang anumang  hokus pokus na mangyayari.

Binigyan diin naman ni Logica na nagsimula na rin silang maglagay ng mga tarpaulin sa mga city boun­daries at ilang panguna­hing kalsada na nagpapa-alala  kung saan ipinagba­bawal ang pagdaraan ng mga tricycle.

Bunsod nito, sinabi ni  Logica na hindi na rin ma­aaring pumasok sa Maynila ang mga tricycle mula Pasay, Makati, Caloocan, Na­votas, Malabon, San Juan at Quezon City.

Paliwanag pa ni  Moreno­, ang pagpaparehistro ng mga tricycle ay proteksiyon ng mga  tricycle operators at driver mula sa mga traffic enforcers  lalo pa’t doble ang paghihigpit ng local na pamahalaan sa mga nango­ngotong.

Naniniwala si Moreno na  magiging matagumpay ang kanilang kampanya kung makikiisa ang mga operators, drivers at mga pasahero.

Hindi umano inakala ni Moreno na mangunguna  sa pagpaparehistro ang PARO­LA­TODA na sinasabing may pinakamagulong lugar.

In­dikasyon lamang ito na naniniwala sila sa adhikain ng pamahalaang lungsod ng  Maynila.

Idinagdag pa ng bise alkalde na lumilitaw sa report na ang tricyle at pedicab ang nangunguna sa mga aksidente na may kasong damage to property.

Show comments