24/7 ‘express trade lane’ sa mga truckers – Isko

MANILA, Philippines - Tiniyak ni Manila Vice Mayor­ Isko Moreno na ma­laking kaginhawaan sa mga  truck operators gayundin sa mga motorista ang kanilang naisakatuparang kasunduan  kung saan inilagay ang 24/7 ‘Express Trade Lane’.

Sa kanyang pakikipagpulong sa mga truckers, sinabi ni Moreno na  inilaan na express trade lane ang magkabilang gitnang bahagi  ng  lane ng  Roxas Blvd mula  Padre Burgos  hanggang Vito Cruz habang mananatili  pa rin ang truck ban.

Ayon kay Moreno, ang kanilang  napagdesisyunan ay bahagi pa rin ng kanilang kampanya na maibsan ang masikip na daloy trapiko at ng pinaiiral na daytime truck ban sa ilang bahagi ng  lungsod.

Paliwanag ni Moreno,  huhulihin pa rin ang mga truck na lalabag sa regulasyon  dahil may pinaiiral pa rin ng batas  para dito.

Sinabi ni Moreno na indikasyon lamang ito na pinag-aaralan nila ang lahat ng mga  posibleng  solusyon  kung saan ang lahat ay makikinabang at mapagbibigyan.

Sa kabila nito, umapela pa rin  si Moreno sa mga  truck driver na  sundin lang ang  batas upang maiwasan na ring  makotongan.

Aniya,  nakokotongan ang mga ito dahil na rin sa paglabag sa batas.

Ayon naman sa isang  opis­yal ng  city hall,  mas magiging maluwag ang daloy ng mga sasakyan kung   ipatutupad din ng mga kalapit lungsod  ang pinaiiral sa Maynila.

Aniya, ang lahat naman ay makikinabang kung mabilis ang daloy ng pagbabago.

 

Show comments