Laman ng donation box ng simbahan, ninakaw

MANILA, Philippines - Walang konsensiya at tila wala nang kinikilalang Diyos ang mga kawatang tumangay sa perang laman ng donation box ng isang simbahan sa Pasay City, kahapon ng umaga.

Hinihinalang pinasok ng mga magnanakaw kahapon ng madaling-araw ang simbahan ng Our Lady of Sorrows sa #2130 F.B. Harrison St. at natuklasan lamang ang pagkawala ng donation box dakong alas-9:30 ng umaga.

Nadiskubre  ng  helper sa simbahan na si Jojo Imus ang nawawalang laman ng donation box na may tatak na “Pondo ng Pinoy”. Sinasabing puno na umano ang naturang kahon na aabot sa higit P20,000 ang laman. 

Marahil dahil sa mabigat dalhin, iniwan ng mga magna­nakaw ang mga barya sa loob ng kahon na umabot pa sa halagang P3,400.

Wala namang palatandaan na puwersahang pinasok ang simbahan kaya hinihinalang may naganap na “inside job” sa insidente.

Show comments