Kawani ng MMDA, sinuspinde

MANILA, Philippines - Sinuspinde ng limang araw ang isang kawani ng Metropolitan Manila Development  Authority (MMDA) matapos itong maaktuhang lumabag sa batas-trapiko sa Barangay Bagong Ilog, Pasig City noong Martes ng hapon. Ipinag-utos ni MMDA Chairman Francis Tolentino na suspendihin  at isyuhan  ng traffic citation ticket ang kanilang kawani na si  Rogelio Añonuevo, Jr., driver ng  MMDA Flood Control Unit. Nabatid na si Añonuevo Jr. ay nasakote matapos itong mag-U-turn sa intersection sa bahagi ng Julio Vargas Ave­nue habang minamaneho ang MMDA truck  noong Mayo 20 ng hapon. Gayon pa man, nakarating sa tanggapan ng MMDA  ang naganap na insidente kaya pinatawan ng kaukulang parusa si Añonuevo upang hindi pamarisan ng kanilang kawani.

Show comments