MANILA, Philippines - Sinibak na sa puwesto ang battalion commander ng Explosive Ordnance Division (EOD) ng Army Support Command sa Fort Bonifacio, Taguig City kaugnay ng trahedya sa sunog at serye ng pagsabog kung saan namatay ang tatlong sundalo habang 29 pa ang nasugatan.
Kinilala ang nasibak na opisyal na si Lt. Col. Florante Sison na hindi muna bibigyan ng anumang command position sa loob ng dalawang taon.
Ayon kay Philippine Army Spokesman Lt. Col. Noel Detoyato, ang pagsibak kay Sison ay matapos ilabas ang resulta ng imbestigasyon ng Army Board of Inquiry sa pamumuno ni Brig. Gen. Cesar Sedillo.
Lumitaw sa imbestigasÂyon ng BOI na nagkaroon ng pag-spark o ignition dulot naman ng friction sa loob ng imbakan ng mga baril at eksplosibo sa storage room ng EOD Battalion sa Army Support Command noong Miyerkules (Mayo 7).
Ang nasabing spark ay lumikha ng sunog at serye ng pagsabog dahil may mga nakaimbak rin ditong mga powder na ginagamit sa explosive device.
Maliban dito, nabatid na walang safety officer sa EOD Battalion Headquarters nang naganap ang sunog na malinaw na paglabag sa Standard Operating Procedures (SOP).
Binigyang diin ng opisyal na tungkulin ng safety officer na bantayan ang imbakan ng mga bala at bomba na dapat agad na tumugon at humingi ng tulong kapag nagkaroon ng hindi inaasahang insidente tulad ng sunog.
Samantala, pumanaw na ang ikatlong sundalong nasa kritikal na kondisyon sa naganap na sunog at pagsabog na kinilalang si 1st Lt Dinar Alozada na nagtamo ng 80% pagkasunog sa katawan.
Magugunita na magkakasunod na namatay ang dalawang sundalong sina Corporal Bernabe Mota at M/Sergeant Ferdinand Rapal na kapwa nagtamo ng malalang sugat sa katawan.