Sepulturero pinabulagta ng sekyu

MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang matinding panibugho ang isa sa motibo kaya pinagbabaril at napatay ang 25-anyos na sepulturero ng security guard sa harapan ng Manila South Cemetery sa Vito Cruz Extension, Manila kahapon ng umaga.

Hindi na umabot ng buhay sa Sta. Ana Hospital dahil sa mga tama sa dibdib ang biktimang si Jose Zu­niga ng #1614 Onyx Street, San Andres Bukid, Manila.

Arestado naman ang suspek na si Edgardo de Jesus, miyembro ng City Security  Force ng Manila City Hall.

Sa ulat ni SPO1 Jonathan Bautista ng MPD-Homicide Section, dakong alas-10:14 ng umaga naganap ang pa­mamaril sa harapan ng opisina sa nasabing lugar.

Sa pahayag ng kasamahang sepulturero, ipinatawag ng suspek ang biktima saka niratrat sa hindi nabatid na dahilan.

Napag-alamang sinus­pinde sa trabaho ang biktima dahil sa pagiging maangas umano na hindi nagustuhan ng nasabing guwardiya.

Nang malamang nakabalik sa trabaho ang biktima dahil sa tulong ng kapwa sepulturero ay ikinainis ito ng suspek kaya naganap ang pamamaslang.

 

Show comments