Sawa ng matulog mag-isa: Iniwan ng ka-live-in, sekyu nagbigti

MANILA, Philippines - Isang guwardya ang nagpasyang wakasan ang buhay matapos iwan ng live-in partner sa hinalang may iba itong babae, sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Nasawi noon din ang biktimang si Mark Fortunado, 32, ng Tanigue St., naturang lungsod.

Sa report ng Caloocan City Police, ayon kay Alma na kapitbahay ng biktima, alas-7:00 ng gabi habang siya ay naglilinis sa tapat ng bahay nito nang mapansin nito si Fortunado na nakabitin ang katawan.

Agad siyang humingi ng tulong sa ilang kapitbahay na mabilis namang ipinaalam ang insidente sa mga pulis.

Sa pagresponde ng mga kagawad ng Caloocan City Police, nakakuha sila ng suicide note mula sa bangkay ng biktima na nakasaad na “Gang mahal na mahal kita, alagaan mo si Shen, kahit kailan kaw lang ang minahal ko kaya lang hindi moko pinagbigyan, sawa nako mag-isang matulog, sobrang lungkot ko”.

Nabatid na naging malulungkutin ang biktima nang iwan ng ka-live-in na si Vilma makaraan ang kanilang pagtatalo nang maghinala ang babae na may ibang babae ang nasawi.

Sa kabila na may anggulong pagpapakamatay, nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang pulisya hinggil sa insi­dente.

Show comments