Akala mineral water, 2 bebot todas sa silver cleaner

MANILA, Philippines - Kapwa nasawi ang dalawang dalagang   entertainer matapos silang makainom ng silver cleaner solution na inakalang tubig dahil nakalagay ito sa bote ng mineral water sa kanilang boarding house sa Pasay City kahapon ng umaga.

Parehong dead-on- arrival sa San Juan De Dios Hospital ang mga biktimang sina Jocelyn Garcia, 22, tubong Pulilan, Bulacan at Rholiza Legan, 24, tubong Poblacion, San Ildefonso, Bulacan kapwa entertainer sa Beruit Café at naninirahan sa #216 St. Mary’s Maricaban St. Pasay City.

Lumalabas sa pagsisiyasat ni SPO3 Allan Valdez, ng Station Investigation and Detective Management Section ng Pasay City Police, naganap ang insi­dente alas-8:30 ng umaga sa boarding house ng mga biktima sa naturang lugar.

Sa pahayag ni Charry­ Ong, 29, kasamahan sa trabaho ng mga biktima, kasalukuyan siyang natutulog sa ikalawang pa­lapag ng kanilang boarding house nang gisingin umano siya ng isa pang kasamang babae na nakilalang si Mommy­ Maricel matapos ma­rinig na nagsisigaw ang dalawang biktima at humihingi ng tulong.

Agad nilang pinuntahan ang dalawa at na­abutan nilang bumu­bula ang mga bibig at wala nang malay.

Mabilis nilang isinugod ang mga ito sa na­sabing pagamutan su­balit hindi na ito uma­bot ng buhay.

Sa pahayag ni Ong sa mga pulis, posibleng nagising ang dalawang biktima at nauhaw. Nang makita ang isang 500 ml na mineral water sa ibabaw ng lamesa na akala tubig ang laman nito ay tinungga ng mga ito at naghati pa ang mga ito sa pag-inom.

Subalit, hindi sukat akalain ng mga biktima na hindi tubig kundi silver cleaner solution pala ang laman nito.

Sinabi pa ni Ong sa kanyang pagkakaalam, ang nasabing silver cleaner ay pag-aari ng isa nilang “mamasang” at kasama sa inuupahang bahay.

Sanhi ng insidente, inimbitahan sa himpilan ng pulisya ang lahat ng mga babaeng kasama sa bahay ng mga biktim upang sumailalim sa masusing imbestigasyon.

Isinailalim na rin sa autopsy ang labi ng mga biktima.

Show comments