Paniningil sa Pasig River Ferry Boat, simula na
MANILA, Philippines - Simula ngayong araw (Mayo 16) ay maniningil na ng pamasahe ang Pasig River Ferry Boat System ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos ang dalawang linggong libreng sakay.
Base sa inaprubahang fare matrix ng Department of Transportation and Communications (DOTC), lumalabas na P30 ang singil sa malapitang destinasyon habang aabot sa P50 ang pinakamalayo.

Nabatid na magbabayad ng P30 ang mga pasaherong bibiyahe patungo at pabalik ng Guadalupe-PUP Station at PUP-Plaza Mexico Station habang P50 naman ang singil sa mga pasaherong patungo at pabalik ng Pinagbuhatan-Guadalupe Station, Guadalupe-Escolta at Guadalupe-Plaza Mexico.
Gayunman, ayon sa MMDA, sa dalawang susunod na Sabado (Mayo 17 at 24) ay libre ang sakay sa ferry service para makatulong sa mga magulang na mamimili ng school supplies sa Divisoria para sa kanilang mga anak.
Sa tala ng MMDA, tinatayang halos nasa 800 ang pasahero ang sumasakay dito araw-araw.
- Latest