Kelot itinumba sa QC

MANILA, Philippines - Patay ang isang lalaki makaraang pagbabarilin ng hindi nakikilalang salarin sa may bahagi ng Payatas, sa Quezon City, kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng pulisya, nakilala ang nasawi na si John Gilbert Ation, 24, ng Kapatiran St., Brgy. Commonwealth.

Ang biktima ay natagpuan na lamang walang buhay na nakasubsob matapos umalingawngaw ang mga putok ng baril, ayon pa sa pulisya.

Nangyari ang insidente sa may waiting shed na matatagpuan sa panulukan ng Payatas Road, at Abris St., ganap na alas-11:45 ng gabi.

Ayon sa mga residente, bigla na lamang umanong nakarinig sila ng mga putok ng baril at nang kanilang tingnan ay saka nakita ang biktima na duguang nakahandusay sa nasabing lugar. Agad naman nilang ipinagbigay alam ang pangyayari sa mga awtoridad.

Sa pagsisiyasat, narekober sa lugar ang anim na basyo ng kalibre .45 baril. Patuloy ang pagsisiyasat ng otoridad sa nasabing in­sidente.

Show comments