MANILA, Philippines - Kinansela na ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ang biyahe ng panghapong express trains ng Metro Rail Transit (MRT) 3.
Ayon sa DOTC, nagdesisyon silang kanselahin muna ang afternoon operations ng express train na sinimulan lamang nitong Martes ng hapon.
Kabilang sa mga naturang panghapong express trains yaong mula sa Taft Avenue at may pick-up stop sa Magallanes station, Ayala station, o Buendia station, at direktang magtutungo sa Cubao, GMA-Kamuning, Quezon Avenue at North Avenue stations.
Bumibiyahe ito mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.
Gayunman, nilinaw ng DOTC na mananatili ang biyahe ng pang-umagang express trains hanggang sa Mayo 20.
Matatandaang Mayo 7 nang simulan ang two-week experimental express train na ang layunin ay mapabilis ang biyahe ng mga pasahero ng MRT-3.
Inaasahang ie-evaluate ng MRT-3 ang resulta ng eksperimento at gagawa ng rekomendasyon sa DOTC kung gagawin nang permanente ang mga express trains.