MANILA, Philippines - Inutas sa loob ng minamanehong sasakyan ang isang 34-anyos na lalaki matapos na barilin ng malapitan sa ulo ng hindi pa nakikilalang suspect, kamakalawa ng gabi sa Palanca St., Quiapo, Maynila.
Dalawang tama sa ulo ang ikinamatay ni Laurente Tolosa, 34 at residente ng Maningning St., Sikatuna Village, Quezon City habang nagsasagawa naman ng follow-up ang mga awtoÂridad upang makilala ang sinasabing gunman.
Batay sa imbestigasyon ni PO3 Marlon San Pedro ng MPD-Homicide Section, alas-8:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob mismo ng isang Ford Explorer ( XPL-800) na nakaparada sa may Quezon Blvd.-Palanca St.
Ayon kay Capt. Steve Casimiro, posibleng may kinalaman sa droga ang pamamaslang dahil ang biktima ay nakatakda sanang ipasok kahapon sa rehabilitation center dahil sa pagiÂging addict. Sinabi pa ni Casimiro na hindi pag-aari ng biktima ang Ford Explorer, dahil ayon sa magulang nito, isang Toyota Corolla ang gamit nito kung kaya’t nagtataka sila kung bakit nakasakay sa nasabing pick -up ang biktima.
Nawawala rin ang Toyota Corolla ng biktima habang binebiripika ng mga awtoridad kung sino ang nagmamay-ari ng nasabing Ford Explorer. Malaki umano ang posibilidad na plinano na ang pagpatay dahil katabi nito ang gunman na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.
Ayon naman kay Capt. Alden Panganiban, hepe ng Barbosa na nakakasakop sa lugar, makikipag-ugnayan sila sa mga business establishment at maging sa barangay para sa CCTV upang malaman kung narecord nito ang pangyayari na maaaring makapagturo sa salarin.
Susuriin din ng pulisya kung sino ang huling katransaksiyon ng biktima sa kanyang cellphone bago mangyari ang insidente.