MANILA, Philippines - Nasawi ang isang 80-anyos na lolo makaraang malaglag buhat sa pagkakaka-angkas sa isang pampasaherong tricycle, kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Hindi na umabot nang buhay sa Pagamutan Lungsod ng Malabon dahil sa matinding pinsala sa ulo ang biktimang si lolo Charlie Latuna, ng Tanigue Street, ng naturang lungsod.
Sumuko naman sa pulisya at nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide ang tricycle driver na si Cezar Avila, 49, ng Phase 3, Dagat-Dagatan, ng naturang lungsod.
Sa ulat ni Senior Insp. Pablo Temenia, hepe ng Traffic Management Unit ng Caloocan Police, naka-backride sa tricycle ni Avila si Latuna dakong alas-10 ng umaga pauwi sa kanyang bahay habang puno ng kahoy ang loob ng sasakyan.
Pagsapit sa may Tanigue Street, biglang nalaglag sa tricycle ang matanda at nabagok ang ulo sa semento. Agad namang sinaklolohan ni Avila ang biktima at dinala sa pagamutan ngunit hindi na naisalba ng mga manggaÂgamot.