MANILA, Philippines – Tinanggal na sa puwesto ngayong Martes ang pinuno ng presintong nakasasakop sa lugar kung saan naganap ang pamamaril sa pitong katao sa lungsod ng Quezon nitong kamakalawa.
Napagdesisyunan ni Quezon City Police District (QCPD) director Chief Superintendent Richard Albano na sipain sa puwesto si North Fairview Police Community Precinct commander Police Chief Inspector Ramon Cabili dahil sa malagim na insidente.
Sinabi ni North Fairview station commander Police Senior Superintendent Dennis de Leon na nakatakdang ipalit si Chief Inspector Roldante Sarmiento kay Cabili.
"Inihahanda na rin yung kaso sa kanya (Cabili) at pinag explain namin sya kung bakit hindi siya agad nakapag react sa mga insidente," wika ni De Leon.
Samantala, umaasa si QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit head Supt. Rodel Marcelo na makikilala nila ngayong linggo ang mga salarin.
"May tinututukan na tayong grupo, suspects. Hopefully magkaroon ng resulta ngayong linggo," banggit ni Marcelo.
Hinala ng mga awtoridad ay sabog dahil sa ilegal na droga ang mga suspek nang walang habas na mamaril.