MANILA, Philippines — Inutusan ng Malacañang ang Philippine National Police na paigtingin ang paghahanap sa mga taong nasa likod ng pagpatay sa pitong tao sa Quezon City noong Linggo ng madaling araw.
"Patuloy ang direktiba sa ating Philippine National Police na paigtingin ang kanilang pagtugis sa mga salarin sa mga insidente ng pagpatay at karahasan," pahayag ni Presidential Communication Operations Office head Herminio Coloma Jr. sa pulong-balitaan sa Malacañang, Lunes ng umaga.
Hindi pa kilala ng mga imbestigador ng Quezon City Police District ang dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo na sangkot sa magkakasunod na pamamaril.
Nagsimula ang pamamaril sa pagpaslang sa lalaking nakasakay sa isang motorsiklo sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, malapit sa Regalado Avenue, bandang 1:30 ng madaling araw.
Sumunod na pinuntirya ng mga salarin ang isang negosyanteng babae sa Bronx Street at may 50 metro ang layo sa naturang kalsada ay itinumba pa nila ang dalawang magkaangkas sa motorsiklo.
Isa pang biktima ng pamamaril ang natagpuan sa Commonwealth Avenue at dalawa pang hindi pa kilalang mga biktima ang pinaslang din ng parehong mga salarin malapit sa Tandang Sora Avenue.