Pulis, city hall employees nagpapasaklolo kay Erap

MANILA, Philippines - Umapela ang  mga pulis ng Manila Police District (MPD)  kay Manila Mayor Joseph Estrada hinggil sa umao’y pagtanggap lamang nila ng  P5,000 sa halip na P10,000 tulad na rin ng ipinangakong  financial assistance  gayundin ang mga city hall employees dahil sa mabagal  na pagpirma  sa kanilang  vouchers.

Batay sa kanilang  liham kay Estrada, hiniling ng mga pulis na makatanggap din sila ng  P10,000 quarterly allowance habang sila ay nasa training sa  Camp Bagong Diwa sa  Taguig City.

Anila, hindi naman sila natanggal at sa halip ay kailangan lamang nilang sumailalim sa training upang makakuha ng promotion at  makapagserbisyo ng   mabuti sa  mga Manilenyo.

Matatandaang   inutos ni Estrada  ang pagbibigay ng tig P10,000 sa may 2,800  na pulis ng MPD at  Non-Uniformed Personnel mula sa kanyang  Non-Office Expenditures (Statutory and Contractual Obligations subalit may 35 pulis ang umano’y nakatanggap lamang ng  P5,000. Malaking  kuwestiyon umano kung saan napunta ang  P5,000 pa  ng mga ito.

Batay sa pagsisiyasat ng Pilipino Star Ngayon, nasa listahan lamang ng  City Accountants ang  mga tumanggap ng   P10,000   habang nasa Finance Division umano ng MPD ang mga tumang­gap lamang ng  P5,000. Ayon naman kay MPD  Director, Chief Supt. Rolando Asuncion, iimbestigahan niya ang  isyu.

Samantala, nanawagan   din kay Estrada ang mga empleyado  gayundin ang mga nagsasagawa ng transaksiyon  dahil sa mabagal na pagpapalabas ng  voucher at mga  sulat mula sa tanggapan ni  Secretary to the Mayor Edward Serapio.

Nagtataka umano ang mga empleyado kung bakit nabibinbin sa opisina ni Serapio ang mga papeles na dapat na binibigyan ng prayoridad upang mapabilis ang  transaksiyon.

Bukod pa  dito ang  umano’y masusungit na tauhan ni Serapio  kung may nagpa-follow up at nagtatanong.

Show comments