MMDA enforcer, 1 pa huli sa shabu

Bitbit ni  Manila Vice Mayor Isko Moreno sina Roussel Milanes at Rustan Rustia na sinita sa  simpleng traffic  violation subalit nakuhanan ng  12 sachet ng shabu kahapon ng madaling araw.

MANILA, Philippines - Hindi inakala ng  isang traffic enforcer  at kasamahan nito na mabu­buking ang kanilang pagtutulak ng shabu dahil lamang sa simpleng  traffic violations kahapon ng madaling araw sa Roxas Blvd.

Mismong si Manila Vice Mayor Isko Moreno  kasama sina  Supt. Mannan  Muarip ng  MPD Station 9 ang  nakahuli  kina Roussel Milanes, MMDA traffic enforcer at  Rustan Rustia sa  panulukan ng Roxas Blvd. at Quirino Ave.

Batay sa report, alas 2 ng madaling araw habang  ipinatutupad ni Moreno kasama ang  MPD-station 9 at tauhan ng   District Mobile Patrol Unit ang city ordinance nang mahuli ang dalawa dahil  lamang sa  hindi pagsusuot ng helmet at expired na driver’s license.

Dito din napansin ni Moreno  na walang plaka ang motorsiklong gamit ng dalawa  na nagbunsod sa mga awtoridad na  kapkapan at inspeksyunin.

Ayon kay Muarip  nakita ng kanyang mga tauhan ang  canister na kulay asul  na naglalaman ng  12 sachet  ng pinaghihinalaang  shabu na hawak ni Milanes.

Agad na inaresto ang dalawa kung saan sasampahan ng kasong paglabag sa RA 4136 si Milanes habang paglabag naman sa RA 9165 naman si Rustia.

 

Show comments