MANILA, Philippines - Lima katao ang iniulat na patay sa serye ng pamamaril ng itinuturing na street killer na riding in tandem sa magkakahiwalay na lugar sa Fairview, Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay SPO4 Rafael De Peralta ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, ang mga biktima ay pinagbabaril ng mga suspek sa magkakalapit na lugar lamang ng Brgy. North Fairview na nagsimula ala 1:30 hanggang alas 2:20 ng madaling araw.
Ang mga biktima na nakilalang sina Rodelio Dela Cruz, 34 ng Brgy. Baesa; Alodia Grace-Go, 37, negosyante ng North Fairview; Gilmer Gabronino, 35 ng Camarin Caloocan City; Angeli Augis, 35, ng Imus Cavite; at isang hindi nakikilalang biktima na isa umanong mangangalakal ng basura.
Sa ulat ng pulisya, unang pinagbabaril ng mga suspek ang biktimang si Dela Cruz sa tapat ng isang tindahan ng car accessories sa Commonwealth AveÂnue, sakop ng North Fairview.
Sabi ng isang security guard sa lugar, narinig na lang umano niya ang mga putok ng baril malapit sa lugar at nang kanyang puntahan ay nakita na lang niya ang biktima na duguang nakahandusay sa semento. Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan si Dela Cruz na siyang agad na ikinamatay nito.
Ilang minuto makalipas, sumunod na pinagbabaril ng mga suspek sa kanto ng RegaÂlado Ave. at Bronx St., ang biktiÂmang si Go. Patay din agad si Go sa nasabing pamamaril dahil sa tinamo nitong bala sa leeg at kanang mata.
Tatlumpung minuto ang nakaÂlipas, napaulat naman ang pamamaril ng mga suspek sa mga biktimang sina GabroÂnino at Augis habang sakay ang dalawa ng isang motorsiklo di-kalayuan sa naunang mga biktima.
Sabi ni De Peralta, patuÂngong SM Fairview para bumili ng gamot ang mga biktima nang pagbabarilin ng mga salarin. Nagtamo ang dalawa ng mga tama sa ulo na siyang agad na ikinamatay ng mga ito.
Narekober sa apat na magkakasunod na pamamaril ang walong piraso ng mga basyo ng .9-mm na kalibre ng baril.
Samantala, pasado alas-2:20 ng madaling araw nang pagbabarilin ang isang lalaking basurero sa southbound ng Commonwealth sa bahagi ng Pearl Drive, sakop naman ng Barangay Greater Fairview. Nagtamo naman ng tama ng bala ng kalibre .45 baril ang biktima.
Sabi ni Supt. Dennis de Leon, hepe ng QCPD station 5, posibleng isang suspek lamang ang may kagagawan sa naganap na pamamaril, dahil sa mga narekober na basyo ng bala na halos magkakapareho.
Ayon sa isang saksi, pawang mga nakasuot ng helmet at naka itim na kasuotan ang nasabing mga suspek na sakay ng isang motorsiklo na may plakang nakasulat na “Badboyâ€.