MANILA, Philippines - Masuwerteng nalusutan ng isang opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kamatayan matapos magtamo lamang ito ng sugat sa kanang balikat sa pananambang ng riding in tandem sa East Avenue, Quezon City, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Ayon kay Quezon City Police District director Chief Supt. Richard Albano, ang biktimang si Daniel de Jesus, 46, ang mismong nagdala sa kanyang sarili sa malapit na ospital upang magpagamot bunga ng natamong sugat.
Base sa ulat, si De Jesus ay hepe ng Internal Investigation Division ng kagawaran na matatagpuan sa BIR road, Diliman sa lungsod. Sakay umano ang biktima ng kanyang Toyota Innova (NXQ-396) nang tambangan ng naka-motorsiklong mga suspek.
Partikular na naganap ang pananambang sa may harap ng Philippine Heart Center sa kahabaan ng East Avenue, matapos na ihinto ng biktima ang kanyang sasakyan nang abutan siya ng pulang traffic light.
Sinasabing habang nakahinto ay biglang sumulpot sa harapan nito ang motorsiklo ng mga suspek, saka pinaulanan ng bala ng backrider nito ang sasakyan ng biktima. Sugatan ang biktima, subalit nagawa pa nitong makababa ng kanyang sasakyan at nakatakbo sa ligtas na lugar.
Agad na sumibat sa nasabing lugar ang mga suspek. At nang mabatid ito ng biktima ay saka muli itong bumalik sa kanyang sasakyan at ipinagmaneho ang sarili papunta sa Phillipine Heart Center para magpagamot. Pero kalaunan ay nagpasya ang biktima na magpalipat sa hindi na binanggit na ospital.
Sa pagsisiyasat ng otoridad, narekober sa lugar ang siyam na basyo ng kalibre 45 baril at isang tingga nito na ginamit ng mga suspek sa krimen. Patuloy ang imbestigasyon sa nasabing insidente.