NPA leader, arestado sa Pasig

MANILA, Philippines - Isang umano’y mataas na lider ng New People’s Army (NPA) ang nadakip ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar sa Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City, kahapon.

Ang suspek na si Stanley Malaca ay inaresto sa isinagawang operasyon ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), 95th Infantry Division Armed Forces of the Philippines (AFP) at Pasig PNP sa bisa ng arrest warrant na inilabas ni Judge Noel Paulite.

Si Malaca ay nahaharap sa kasong double murder dahil siya ang itinuturong suspek sa pagpatay sa isang Sergeant Valencia at isang Private Alcantara ng Philippine Army noong Pebrero 9, 2007 sa Brgy. Inoyonan sa Bula, Camarines Sur.

Dakong alas-9 ng umaga nang madakip si Malaca ng mga awtoridad sa Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.

Nabatid na si Malaca ay kinikilala bilang Commander Jamai at Angel na sinasabing pinakamataas na lider ng NPA na kumikilos sa Bicol Region, Camarines Sur at Camarines Norte at Regional Party Committee ng Communist Party of the Philippine (CPP).

Show comments