Mga bala kuha sa inabandonang kotse

MANILA, Philippines - Isang abandonadong kotse na may kargang sangkatutak na bala ang natagpuan sa harap ng isang gate ng subdibisyon sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police Station 8,  ang sasakyan na kulay silver gray na Honda (WCG-233) ay nadiskubre sa may harap ng south gate Blue Ridge Subdivision, Highland Driver corner Boni Serrano, Brgy. Blue Ridge.

Sa pagsisiyasat ng District Explosive Ordnance Division narekober mula sa back seat ng sasakyan ang bandoliers na may apat na mahahabang magazines ng M16 na puno ng bala na aabot sa 120 piraso.

Bago ito, ipinagbigay alam ni Kagawad Rey Papa ng Brgy. Blue Ridge sa awtoridad hingil sa naturang sasakyan na matagal na nilang nakikitang nakahimpil sa nasabing lugar simula pa noong Abril 30.

Nagduda rin ang kagawad matapos mapuna ang mga bala sa loob ng sasakyan kung kaya niya ito inireport sa awtoridad.

Agad namang itinawag ng PS8 ang tulong ng QCPD-EOD sa pamumuno ni Chief Insp.Noel Sublay upang magsagawa ng Render Safe Procedure at ocular inspection sa sasakyan na nag-negatibo naman sa improvised explosive device, maliban sa natagpuang mga bala.

Sa kasalukuyan, ayon pa sa otoridad inaalam na nila kung sinong may-ari ng na­sabing sasakyan para sa patuloy na pagsisiyasat.

Show comments