MANILA, Philippines - Patay ang isang babae makaraang masagasaan ng isang pampasaherong bus nang sumemplang ang sinasakyang motorsiklo kasama ang isa pang rider sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw. Ayon kay Insp. Marlon Meman, hepe ng Quezon City Police Traffic Sector 2, nakilala ang nasawi na si Marife Espartero, 34, ng Brgy. Waling Waling St., Area C, Camarin Caloocan City.
Sugatan din ang nagmamaneho ng motorsiklo na si Mary Joy Soccoro, 21, na ginagamot ngayon sa East Avenue MeÂdical Center. Nasa kustodiya naman ng Traffic Sector 2 ang driver ng Mayami bus (UVP-853) na si Felipe Estrada, 40, ng Pangasinan makaraang sumuko sa nasabing himpilan.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Ferdinand Paglinawan, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Belfast, harap ng Mary The Queen, Brgy. Pasong Putik, ganap na alas-12:15 ng madaling-araw. Diumano, sakay ng Motorstar motorcycle ang mga biktima na minamaneho ni Soccoro at tinatahak ang lugar galing sa direksyon ng Quirino highway nang bigla itong sumemplang
Sinasabing sa pagsemplang ng motorsiklo ay tumilapon ang angkas na si Espartero sa kalye na dito naman ito nasagasaan ng paparating na bus na minamaneho ng suspect kaya nasagasaan ito. Katwiran ni Soccoro, may iniwasan umano silang isang bus kung kaya napagilid sila at sumeplang sa kalye. GayunÂman, pawang walang suot na helmet ang dalawa nang mangÂyari ang insidente. Dead-on-the-spot sa lugar si Espartero matapos na magtamo ng labis na pinsala sa kanyang ulo at katawan. Kasong reckless imprudence resulting in homicide and physical injuries ang kinakaharap ngayon ni Estrada.