MANILA, Philippines - Dalawa katao kabilang ang isang negosyante ang nagbaril sa sarili dahil sa matinding depresyon sa magkahiwalay na lugar sa Tondo, Maynila. Tama ng bala ng 38 caliber revolver sa sentido ang ikinamatay ni Bernardo Sebastian, 62, dakong alas-7:30 ng gabi sa loob ng bahay nito sa Antonio Rivera St. sa Tondo.
Batay sa imbestigasyon ni SPO4 Richard Escarlan, may ilang buwan nang nakaratay sa higaan si Sebastian dahil na rin sa komplikasyon ng mga sakit. Posible umanong tinawag nito ang kanyang guwardiya na si Benjamin Cantong at hiniÂram ang baril matapos na makita ito sa tabi ng labi ng biktima.
Ayon naman kay Cynthia Dizon, 52, nag-aalaga sa biktima, isang putok na nanggaling sa silid ni Sebastian ang kanyang narinig kung kaya’t agad niya itong ipinaalam kay Susan Manicad na umano’y live-in partner ng nasawi.
Samantala, pagbaril din sa sarili ang ikinamatay ng construction worker na si Mark Roland Soriano, 25, ng Lallana St. sa Tondo. Lumilitaw sa imbestigasyon na naging malulungkutin umano si Soriano, simula nang ito’y lumabas sa rehabilitation center may limang taon na umano ang nakararaan.
Nagulat na lamang si Angelina, 42, ina ng biktima nang makita ang anak na may tama ng bala sa sentido, habang nakaupo ito hawak ang kalibre 38 baril. Gayunman, kapwa isinailalim sa paraffin test ang dalawang biktima para malaman kung may naganap na foul play.