Cedric, Raz nakapiit sa NBI-

Kasamang dumating sa NAIA terminal 3 ng mga tauhan ng NBI  sina Cedric Lee at Simeon Raz matapos na maaresto sa Samar  kamakalawa. (Kuha ni  ERNIE PEÑAREDONDO)

MANILA, Philippines - Nakakulong na nga­yon  sa National Bureau of Investigation (NBI) sina  Cedric Lee at Simeon Raz,  ang dalawang pangunahing akusado sa illegal detention at pambubugbog sa TV host at actor na si Vhong Navarro.

Gaya ng karaniwang nahuhuling suspek,  sina Lee at Raz ay nakaposas nang dumating dakong alas-8:00 ng umaga sa  terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport ang sinakyang Phi­lippine Air Lines (PAL).

Agad na isinakay  ang dalawa sa naghihintay na  convoy kasama ang apat na tauhan ng ahensya na nagbiyahe sa kanila sa NBI headquarters.

Ngumiti pa sa media  si Lee at sinabing hindi sila nasakote o naharang kundi sila ay kusang sumuko sa NBI. Iginiit din ni Lee na hindi  sila nagtatago.

Pagdating naman sa NBI headquarters, agad na isinailalim sa proseso ng pagkakadakip sa mga akusadong criminal ga­ya ng  fingerprints, at sinundan ng pagkuha ng mugshots.

Nagtungo rin sa NBI ang  pamilya ng dalawang suspek kasama sina Berniece Lee na kapatid ni Cedric na akusado sa kaso ng grave coercion at counsel  na si Atty. Howard Calleja.

Matatandaang pasado alas-11:00 ng tanghali nitong Sabado ng maaresto sina  Lee at Raz  sa Oras, Eastern Samar .

Ang dalawa ay mana­natili sa kulungan ng NBI hanggang maibalik sa  sala ni Judge Paz Esperanza M. Cortes ng Taguig City Regional Trial Court Branch 271 ang warrant of arrest ngayong Lunes, April 28.

Inaasahan din na nga­yon magdedesisyon si Judge Cortes kung saan ikukulong sina Lee at Raz.

Show comments