Mag-asawa niratrat misis patay, mister sugatan

MANILA, Philippines - Isang 48-anyos na ginang ang nasawi, habang sugatan ang kanyang asawa nang pagbabarilin ng tatlong hindi pa kilalang armadong mga kalalakihan kahapon ng umaga sa Taguig City.

Hindi na nailigtas ng mga doktor sa Taguig Pateros District Hospital ang biktimang si Yolanda Maravilla, residente ng Road 6, Brgy. New Lower Bicutan sanhi ng tinamong tama ng bala sa dibdib habang sugatan naman ang kanyang asawang si Gil, 51, na nahagip ng bala sa kanang balikat at ngayon ay nasa mabuti ng kalagayan.

Sa imbestigasyon nina PO3 Sherwin Revilla at PO2 Pri­mitivo Delayun, Jr., ng Homicide Section ng Taguig City Police, patungo ang mag-asawa sa palengke alas-5:15 ng umaga, sakay ng isang top down na tricycle na minamaneho ng lalaki nang paulanan sila ng bala pagdating sa Road 8, Brgy. Lower Bicutan ng naturang lungsod.

Nabatid na ang balang tumama sa kanang balikat ng lalaki ay tumagos at tumama sa dibdib ng kanyang asawa na naka­angkas sa likuran.

Sa kabila ng tinamong sugat, pinatakbo ng mabilis ng lalaki ang motorsiklo patungo sa naturang ospital kung saan hindi na umabot ng buhay ang ginang.

May hinala ang biktima na ang kanyang trabaho bilang kawani ng Taguig Public Order and Safety Office (POSO) ang dahilan ng pananambang dahil sila ang laging humaharap sa mapanganib na pagtataboy sa mga illegal vendors, informal settlers at iba pang sagabal sa mga pampublikong lugar.

Ipinag-utos na  ni Taguig police chief Senior Supt. Arthur Felix Asis ang pagtugis sa mga suspek.

 

Show comments