Protesta vs taas presyo ng petrolyo at kuryente, inilarga

Nagsagawa ng caravan protest ang grupo ng PISTON bilang protesta sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng petrolyo na sinasabayan pa ng pagtataas sa presyo ng kuryente. (Kuha ni Boy Santos)

MANILA, Philippines - Nagsagawa ng kilos pro­testa ang transport groups bilang pagtutol sa muling pagtaas ng presyo ng langis at kuryente sa bansa.

Pinangunahan ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) ang transport caravan protest na nagsimula sa Cubao, Quezon City  patungo sa tanggapan ng Petron Corporation at Meralco na nasa Ortigas Center.

Kinondena ng grupo ang panibagong oil price hike na ipinatupad ng tinagurian nilang ‘Big Three’ na nagkakahalaga ng P55 sentimo sa diesel at gasolina.

Samantala, bagama’t ikinagalak ng grupo ang desisyon ng Korte Suprema sa inilabas ng indefinite Temporary Restraining Order (TRO) kaugnay sa P4.15 per kwh petition ng Meralco noong Disyembre 2013, patuloy anya nilang babatikusin ito kaugnay sa pagpapatupad ng power rate hikes at ang pagtanggi na ipatupad ang refund sa mga sobrang nasingil nito sa kanilang mga konsumer.

Ayon kay George San Mateo, national president ng PISTON ang pagtaas at overpricing sa presyo ng langis at bayarin sa kuryente ay lalong nagpapalubog sa kabuhayan ng mga ordinar­yong mga drayber at kanilang pamilya.

Aniya, hindi na umano kumikita ang mga driver sa pamamasada dahil bakasyon, lalo pang nabaon ang mga ito sa hirap bunga ng pabigat na oil prices hike at mataas na singil sa kur­yente.

Show comments