MANILA, Philippines - Kalaboso ang isang kagawad ng pulisya na nakatalaga sa Northern Police District (NPD) nang maaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) kaugnay sa panghoholdap sa mag-asawang negosyante ng halos P1-milyong halaga ng alahas at cash sa Malate, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nadakip si PO2 Angel Nabor, 27, miyembro ng NPD at residente ng Mabini St., Sampaloc, Maynila.
Nakatakas naman ang tatlo nitong kasamahan na sakay din ng motorÂsiklo.
Isinailalim sa inquest proceedings sa Manila Prosecutor’s Office si Nabor sa mga kasong robbery holdap at illegal possession of firearms and ammunition.
Kaugnay ito sa reklaÂmong inihain ng mga biktimang sina Apolinario Ylagan, 42, at Guillerma Ylagan, 42, sakay umano sila ng kanilang Toyota Hilux na kulay gray nang harangin ng grupo ni Nabor pagsapit sa panulukan ng Quirino Avenue at Roxas Boulevard sa Malate.
Tinutukan umano ng suspek na si Nabor ang mag-asawa at inagaw ang bag ng babae na may lamang P200-libong cash at mga alahas na umaabot sa P700,000 saka humarurot papatakas, ayon kay PO3 Rico Balines, ng MPD-PS 9.
Hindi umano nawalan ng loob si Apolinario at hinabol ang mga suspek hanggang makita ang mga nagpapatrulyang pulis na nakasakay din sa motorÂsiklo at humingi ng tulong saka hinabol ang mga suspek.
Nang maabutan ay binangga ni Apolinario ang sinasakyang motorsiklo ng pulis dahilan para matumba ito at maaresto naman ng mga tauhan ng MPD Traffic Enforcement Unit at MPD-Station 9.
Nagtangka pa umanong paputukan ni Nabor ang aarestong mga pulis subalit hindi umano naiputok nang tutukan siya.
Tuluyan nang nakatakas ang iba pang suspek na sakay din ng dalawang motorsiklo.
Posibleng masampahan na rin ng kasong administratibo ang nasabing suspek na pulis.