1 patay, 3 kritikal sa mga pananaksak

MANILA, Philippines - Isang lalaki ang nasawi habang tatlo pang katao ang nasa kritikal ang buhay sa tatlong magkakahiwalay na insidente ng pananaksak sa lungsod ng Navotas, kamakalawa.

Hindi na umabot ng buhay sa Tondo Medical Center makaraang maubusan ng dugo ang 34-anyos na si Sherwin Escarlan, ng Cattleya St., North Bay Boulevard South, matapos na saksakin ng live-in partner nito na si Janelyn Legaspi, 33.

Sa ulat ng pulisya, nagtalo ang mag-live-in dakong alas-5 kamakalawa ng hapon sa loob ng kanilang bahay hanggang sa makakuha ng patalim ang babae at saksakin sa binti si Escarlan.  Bagama’t malayo sa bituka ang saksak, natagalan naman bago naisugod si Escarlan sa pagamutan kaya nalagutan ito ng hininga dahil sa pagkaubos ng dugo.

Samantala, kritikal naman sa naturang paga­mutan  ang mag-inang Esperanza De Lima, 39, at 5-anyos nitong anak na babae nang saksakin ng mister na si Roberto De Lima, pawang residente ng Davila St., Navotas West, ng naturang lungsod.

Kumakain ang mag-anak dakong alas-12:30 ng tanghali nang magtalo umano ang mag-asawa.  Ang ginang na si Esperanza pa umano ang inutusan ni Roberto para kumuha ng kutsilyo na ginamit nito sa pananaksak sa kanyang mag-ina. 

Inoobserbahan naman sa Jose Reyes Me­morial Medical Center ang 32-anyos­ na si Ronnie Dela Cruz, ng Phase 2 North Bay Boule­vard South, nang saksakin sa leeg ng kapitbahay na si Jelpe Japos.

Nabatid na alas-4 ng hapon, nakikipagtalo si Dela Cruz sa kasera niyang si Samuelita Bassilio ukol sa upa sa tinutuluyan nitong bahay.

Nakialam naman ang suspek na si Japos sanhi ng kanilang pagtatalo hanggang sa magbunot ang suspek ng patalim at saksakin ang biktima.

Naaresto naman ng mga otoridad ang mga suspek na sina Legaspi at De Lima habang pinaghahanap pa si Japos.

 

Show comments