MANILA, Philippines - Tiniyak ng pamahalaang lungsod ng Caloocan na may sapat na suplay ng irarasyong tubig sa bawat barangay na maaapektuhan ng isasagawang water interruption ng Maynilad.
Ang naturang water interruption ay dahil sa re-alignment ng mga tubo ng Maynilad dulot ng isasagawang pagkukumpuni ng Department of Public Works and Highways mula Abril 16 hanggang 19.
Kabilang sa mga tiyak na maaapektuhang mga barangay sa Caloocan ay ang Barangays 8, 12, 14, 21 at 51. Posible naman umanong madagdagan pa ito depende sa Maynilad.
Inatasan ni Mayor Oscar Malapitan si City Administrator Oliver Hernandez para sa kaukulang action plan sa sapat na suplay ng tubig sa mga barangay.
Sinabi ni Hernandez na nakahanda umano ang Caloocan City Disaster Risk Reduction Management Office para sa trak na magrarasyon ng tubig habang nakaalerto rin ang Bureau of Fire Protection para magamit rin ang kanilang mga fire trucks.
Sa mga residente ng lugar na mawawalan ng suplay ng tubig, maaaring tumawag sa action center hotline number 310-7536 upang mapahatiran ng rasyon ng tubig.