MANILA, Philippines - Nadakip ng tropa ng Quezon City Police District ang limang miyembro ng kilabot na ‘Dugo-dugo gang’ matapos ang isinagawang follow-up operation ilang oras makaraang mambiktima ng kasambahay ng isang seaman sa Antipolo City.
Kinilala ni Supt. Richard Fiesta, hepe ng QCPD Station 9 ang mga suspek na sina Noli Española, 40, Harold Esquivel Arabit, 34; Marco Mesa, 34; Geraldine Salazar, 32; at Cecilia Andaya, 35. Ayon kay Fiesta, unang naaresto si Española matapos na makahingi ng tulong sa kanilang tanggapan ang biktimang si Siclot Baldomero at kasambahay nitong si Ann Jeneth Manzo na taga-Antipolo City. Habang ang apat na kasamahan nito ay nadakip sa follow-up operation sa kanilang safehouse sa Las Piñas City. Sa imbestigasyon, nagawang maloko ng mga suspek si Manzo sa pamamagitan ng telepono na kunin ang pera at mahalagang gamit ng amo na nagkakahalaga ng P80,000 dahil sa nasangkot umano ang mga ito sa aksidente.
Nagkasundo si Manzo at suspek na magkita sa harap ng isang simbahan sa Anonas at doon kunin ang items, alas-3 ng hapon. Gayunman, sabi ni Manzo pagkabalik niya sa kanilang bahay, muling tumawag ang suspek at sinabihan siyang ang ibinigay niyang items ay kulang, hanggang utusan siya nito na buksan ang vault na nasa bahay. Habang kausap ni Manzo ang suspek ay dumating si Baldomero at napunang may nangyayari sa bahay. Agad niyang inutusan si Manzo na ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa suspek habang siya ay tumatawag ng tulong sa Antipolo Police.
Agad namang ipinasa ng Antipolo police ang mga comÂplainants sa QCPD, dahil sa hurisdiskyon nila nangyari ang insiÂdente at nagsagawa ng entrapment operation kung saan nadakip si Española sa napagkasunduang lugar malapit sa LRT station sa Anonas, hanggang sa madakip na rin ang iba pang kasamahan sa follow-up operation sa Las Piñas.