MANILA, Philippines - Patay ang isang hinihinalang kilabot na miyembro ng akyat-bahay gang matapos itong pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek, kamalalawa ng gabi sa Pasay City.
Unang isinugod sa Philippine Air Force General Hospital ng mga nagrespondeng barangay tanod na si Edrien Enema, ng 12th St., Villamor Air Base bago inilipat sa Pasay City General Hospital kung saan siya binawian ng buhay alas-12:45 kahapon ng maÂdaling-araw habang nilalapatan ng lunas.
Lumalabas sa imbestigasyon ni SPO1 Cris Gabutin, ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS), Pasay City Police, naganap ang insidente alas-9:45 ng gabi sa harapan ng isang bahay sa Villamor Air Base ng naturang siyudad habang nakatayo ang biktima nang biglang lumapit sa kanya ang suspek na nakasuot ng itim na bonnet at armado ng baril at dito pinaputukan sa ulo si Enema.
Kaagad na dinala sa nabanggit na mga ospital ang biktima, subalit binawian din ito ng buhay.
Sa pahayag naman ng Barangay Ex-O na si Inday Sisante sa pulisya, kilalang miyembro ng akyat-bahay gang at isa ring drug addict si Enema na ilang ulit nang nagkaroon ng kaso at reklamo sa barangay dahil sa ginagawang pagnanakaw.
May hinala si Sisante na may kaugnayan ang naturang pamamaslang sa nangyaring nakawan sa limang bahay sa kanilang lugar noong SaÂbado ng gabi, Abril 5 ng taong kasalukuyan kung saan niloÂoban ang ilang residente ng grupo ng mga magnanakaw sa loob lamang ng isang gabi.
Batay naman sa rekord ng pulisya, nasangkot kamakailan sa kaguluhan ang biktima kung saan nasaksak ito ng isang Oliver Tubon kaya’t sinampahan ni Enema ito ng kaso.
Ipapatawag naman ng pulisya si Tubon para imbestigahan kung may kinalaman ito sa nangyaring pagpaslang sa biktima.