Lalaki nagbayad ng pekeng pera, nanaksak pa

MANILA, Philippines - Arestado ang isang lalaki makaraang magbayad na ng pekeng pera at saka nagawa pang saksakin ang driver ng taxi na kanyang sinakyan sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.

Nahaharap ngayon sa mga kasong attempted homicide, estafa, illegal possession of false treasury or bank notes and other instrument of credit si Jessie delos Reyes, 26, ng Gumamela St., Gen. T. de Leon, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Valenzuela Police, alas-4 ng hapon, sumakay sa taxi ng biktimang si Roger Clapano ang  suspek sa may Divisoria at nagpahatid sa Valenzuela City.

Pagsapit sa Pio Valen­zuela St., Marulas, Valenzuela ay pumara ang suspek sabay abot ng buong P1,000 bill. Napansin naman ng driver na peke ang pera na naging dahilan upang hindi ito. tanggapin.

Buong P500 naman ang inaabot ng suspek subalit tumanggi pa rin ang biktima na tanggapin ang pera sa hinalang peke rin na naging dahilan upang utusan uli ng suspek ang driver na dumiretso sa MacArthur Highway ng Valenzuela City.

Hindi pa nakakalayo at nagbunot ng patalim ang suspek at sinaksak ang biktima na masuwerteng nasalag ang unday ng patalim.  Dito nagpambuno ang dalawa sa patalim hanggang sa mapansin sila ng taumbayan na sumaklolo sa taxi driver.

Show comments