Kapalit ni Capa, itinalaga
MANILA, Philippines - Nagtalaga na si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Director Alan Purisima ng bagong hepe ng Task Force Tugis kapalit ng kontrobersyal na si Senior Supt. Conrad Capa na nasibak sa puwesto.
Ayon kay Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, Chief ng PNP Public Information Office (PNP-PIO), alinsunod sa General Order 502 mula sa tanggapan ni Purisima ay ipinalit kay Capa si Chief Supt. Edgardo Ladao.
Si Ladao ay dating hepe ng Police Regional Office (PRO)-3 o Central Luzon at humawak din ng puwesto bilang Directorate for Integrated Police Operation-Northern Luzon.
Sinabi ni Sindac na si Ladao, produkto ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1982 ay siyang personal na napili ni Purisima para humalili sa puwestong binakante ni Capa.
Una nang sinibak si Capa, isang linggo matapos mahuli si Globe Asiatique President Delfin Lee na sangkot sa halos P7 bilyong housing scam.
Magugunita na si Ladao ay kinastigo ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas matapos na itanggi na talamak ang operasyon ng illegal number game na jueteng sa Pampanga.
Gayunman, nagawang makataya sa jueteng doon ang ilang tauhan ni Roxas na kanyang inutusan para malaman kung talagang wala nang operasyon doon ng naturang illegal na sugal.
Samantala, nanahimik naman si Capa matapos na pasaringan ni PNoy na masyado umanong bilib sa sarili sa pagrereklamo at pamimili ng puwesto matapos naman itong sibakin at italaga ni Purisima bilang Directorate for Operations sa Police Regional Office (PRO)-7 sa Cebu.
- Latest