Lolo kalaboso sa tangkang pagtarak sa sariling apo

MANILA, Philippines - Arestado ang isang lolo makaraang tangkaing saksakin ang 11-anyos na apo nang mapikon ito dahil sa katigasan umano ng ulo ng bata, kamakalawa ng gabi sa Navotas City.

Nahaharap sa kasong attempted homicide in relation to child abuse ang 57-anyos na si Reynaldo Sison, ng L. R. Yangco St., Navotas East ng lungsod.

Inireklamo ito ng sariling anak na si Jeremiah, 34, matapos na pagtangkaan ng sariling ama ang kanyang 11-anyos na anak na lalaki.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10 ng gabi nang utusan umano ng suspek ang apo ngunit hindi sumunod ito. Lubhang nagalit ang matanda na kumuha ng patalim at sinalakay ang bata.

Masuwerteng naagapan ito ni Jeremiah at natabig ang anak bago ito tuluyang masaksak.  Agad na lumabas ng bahay ang mag-ama at tumawag ng barangay tanod na siyang umaresto sa matanda.

Show comments