MANILA, Philippines - Patay ang isang lalaki makaraang pagbabarilin ng isang sinibak na pulis na nasawi rin makaraang manlaban sa mga rumesponÂdeng awtoridad sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Sa ulat ni PO2 Jogene Hernandez ng Quezon City Police District-Criminal Investigation Unit, nakilala ang naÂsawing biktima na si Antonio Dizon, 57 ng Asul St.,Villa Vera Subdivision, Brgy. Sta Monica sa lungsod.
Ang bumaril kay Dizon na nasawi rin matapos tangkaing makipagbarilan sa awtoridad ay nakilalang si Marvin Evangelista, 42, dinismiss na miyembro ng Special Action Force ng Philippine National Police, dagdag ni Hernandez.
Samantala, isa pang bystander na nakilalang si Artemio Putot, 49, ng Brgy. Doña Imelda ay sugatan matapos na tamaan ng ligaw na bala sa kaliwang braso bunga ng nasabing putukan.
Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Quirino Highway corner Dumalay St., Brgy. Sta. Monica, ganap na alas-4 ng hapon.
Bago ito, nabatid ni Hernandez na umaga pa lamang ay nagkaroon nang pagtatalo sina Dizon at Evangelista na nauwi sa pagsusuntukan, hanggang sa maawat ang mga ito kalaunan.
Kinahapunan, bumuÂwelta umano si Evangelista kung saan habang nakatayo si Dizon sa nasabing lugar ay sumulpot ito na naka-motorsiklo at pinagbabaril ito sa ulo.
Matapos ang pamamaril, agad na tumakas si Evangelista, patungong NovaÂliches bayan, subalit pagsapit sa harap ng Our Lady of Mercy Church ay tiyempong naroon at nagpo-formation ang ilang tropa ng Regional Public Safety Battalion ng NCRPO.
Dito ay tinangka ng pulisya na pigilan ang suspek pero sa halip na sumuko ay tinangka pa umano silang paputukan nito dahilan para gantihan nila ito ng putok at tamaan sa katawan. Naisugod pa ng awtoridad si Evangelista sa Novaliches District Hospital, subalit idineklara rin itong dead-on-arrival. Ang sugatang si Putot ay agad ding nilapatan ng lunas sa nasabing ospital.
Patuloy ang pagsisiyasat ng otoridad sa nasabing insidente.