MANILA, Philippines - Dead-on-arrival sa ospital ang isang mekaniko makaraang pagsasaksakin ng grupo ng mga kalaÂlakihan sa kalagitnaan ng rambulan ng kani-kanilang grupo sa lungsod Quezon.
Si Melvin Candido, alyas Dodong, 21, motor mechanic, ay naisugod pa sa ospital pero idineklara ding patay dahil sa isang tama ng saksak sa kaliwang kili-kili at tusok ng matulis na bagay sa kaliwang balikat, ayon kay SPO2 Cris Zaldarriaga, may-hawak ng kaso.
Patuloy naman ang pagsisiyasat ng imbestigador kung sino ang grupong nakasagupa ng mga biktima, upang matukoy ang sinasabing mga salarin.
Naganap ang insidente sa may harap ng isang bulaluhan na matatagpuan sa Sto. Domingo St., corner BF Road, Brgy. Holy Spirit, ganap na ala-1:15 ng madaling-araw.
Bago ito, ang biktima kasama ang tatlong kaibiÂgan ay kumakain sa bulaluhan nang dumating ang grupo ng mga suspek at hinamon ng suntukan ang grupo ng una.
Pinagbigyan naman ng grupo ng mga biktima ang hamon, hanggang sa tuluÂyan nang nagsuntukan ang mga ito. Pero sa kalagitnaan ng rambulan ay nagbunot ng patalim ang ilan sa mga suspek at tinarakan ang biktima na ikinabuwal nito sa simento.
Matapos nito, mabilis na tumakas ang mga suspek.