4 vendor ng Cytotec timbog

MANILA, Philippines - Apat na vendor ng Cytotec  ang inaresto ng mga tauhan ng Plaza Miranda PCP ng Manila Police District matapos na mahuli sa aktong nagbe­benta nito sa magkahiwalay na insidente sa Quiapo Maynila.

Kinilala ni Plaza Miranda-PCP chief, Insp. Rommel Anicete ang mga dinakip na sina Carmelita Elacion ng No. 1620 Katamanan St., Tondo, Manila; Larry Panopio, 50, ng no. 345 Gagalangin St., Tondo, Maynila; Marvin Manlangit, 37 ng no. 1 Tawid Sapa, Clemente St., San Agustin, Quezon City at Joel Ramirez, 27, ng no. 510 Evangelista St., Quiapo.

Batay sa report  ni Anicete, inaresto si Elacion sa isang  buy-bust opera­tion na isinagawa nina PO3 Joseph Almayda at PO1 Reynaldo Fortaliza sa kanto ng Paterno St, at Quezon Blvd. habang  nahuli naman sa akto nina PO3 Jonathan Salcedo at PO2 Regin Obina na  nagbebenta sa isang babae ng Cytotec si Panopio sa panulukan ng Carriedo at Evangelista Sts.

Marso 24 naman ng  muling magsagawa ng pagpapatrolya sina Salcedo at Fortaliza kung saan  huli din sa akto si Manlangit na nagbebenta ng nasabing abortive pills kay Ramirez sa Evangelista St. Quiapo, Maynila. Nakuha sa mga suspek ang  pitong Cytotec.

Ang mga suspect ay sasampahan ng paglabag sa  RA 9711 (Food, Drug Devices and Cosmetics Act of 2002 – Cytotec)

Tiniyak ni Anicete na hindi nila titigilan ang pang­huhuli sa mga vendor ng Cytotec lalo pa’t ito ay isinasagawa sa paligid ng Quiapo Church na tutol dito.

 

Show comments