MANILA, Philippines - Magka-away ang kapwa itinanghal na bangkay nang saksakin ang menor de edad ng isang 25-anyos na lalaki na sinaklolohan naman ng kaanak at nagantihan siya ng saksak, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga nasawing sina Jerome Ricalde ,16, out- of-school youth, na residente ng #320 Tenement Building, Delpan,Tondo, Maynila at Glen Aguilar, 25, residente ng Slip Zero Apex Compound, Pier 2, Tondo, Maynila.
Sa ulat ni SPO1 Mario Asilo, ng Manila Police District-Homicide Section, dakong ala-1:15 ng hapon nang maganap ang insidente sa Gate 7, Area A, Parola Compound hanggang sa Slip Zero Apex Compound Pier 2, sa Tondo.
Nabatid na nakita umanong hinahabol ng saksak ni Aguilar ang binatilyo at nang makorner ay inundayan ng ilang ulit sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Nang makita ng mga kaanak ng binatilyo ang ginawa ng suspek na si Aguilar ay sumaklolo ang mga ito at siya naman ang pinagsasaksak.
Dead-on-arrival na sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) si Ricalde dahil sa mga saksak ng ice pick, habang si Aguilar naman ay dead on the spot.
Inilagak sa Sol Funeral si Aguilar habang sa Grace Funeral Homes naman dinala ng mga kaanak si Ricalde.